PAUNAWA: KUNG AYAW MO NANG KA-EMOHAN PLEASE LANG ‘WAG MO NANG BASAHIN.
ANG NILALAMAN AY NANGANGAILANGAN NANG PATNUBAY SA SARILI PARA ‘WAG SABUNUTAN ANG NAGSULAT.
Ito ay kwento tungkol sa isang one-sided na pag-ibig at pakikipagsapalaran na abutin ang impossibe. Syempre title pa lang alam nyo na ang ending. Hindi happily ever after ang drama kundi luhaan at nag-iisa.
Ang totoo, hindi talaga to kwento isa lang itong paghimay sa sitwasyon ng one sided love na sa una inakala mong maging isang wagas na pag-ibig tapos dahan-dahan lilinaw na wala palang aasahan pero sumige parin, naniniwala pa kase sa kasabihan na ‘If you give love, give it wholeheartedly” walang hinihinging kapalit, magmahal ka lang masaya na. Martir to the max at kunti na lang pwede nang ipabaril sa luneta.
IDEALISTIC dahil naniniwala pa sa fairytale, Sinong aayaw sa prinsipe? Sinong aayaw managinip ng gising na someday makikilala mo ang one true love. Malay mo ba naman na marami palang fake na dadaan at paano mo naman kaya malalaman kung sya na ba? INSTINCT? naku! minsan palpak din yan. Hahanap ka nang prinsipe pero hindi ka naman prinsesa, wala! kahit si cinderella may dugong bughaw, tayong mga pula at ordinaryo ang dugo, waley! Ang bitter lang nito ano?
Ang mga taong nakaranas nito, ni sa panaginip hindi nila pinangarap. Walang gustong umasa at masaktan sa huli. Walang may gusto na pagkatapos mahulog ang loob mo, pagkatapos mabigyan nang bagong kulay ang ‘yong mundo saka mo lang malalaman na wala lang pala yon sa kanya. Na naging parte ka lang nang paglalakbay nya. Masakit yon diba? mahirap tanggapin at mas lalong mahirap harapin ang sarili sa salamin.
Ang sarap manisi, bakit pa kase sya nakilala, bakit pa sya mabait. Aba! malay din nya. Hindi kaya assuming lang tayo, yong mga gestures na ordinaryo sa kanya binibigyan ng malisya. D’yan nagkakaproblema. Paano pala kung talagang malambing lang sya, at yong mga ginagawa nya sayo ay kapareho lang din ng treatment nya sa iba. Ayon! Ang sakit sa bangs, kasama na pride at laman ng bituka mo. Hindi pala kayo pareho ng signal na nasagap. Ang kanya smart at ikaw globe, mahal tuloy ang text, i mean mahal ang naging kapalit. Nawasak ang tiwala mo sa sarili.
Minsan darating sa puntong haharap sa salamin, iisahin-isahin anong meron at wala ka, minsan mag seself-pity, ano ba kase ang gusto nya na wala sayo? Ang daming tanong, minsan naghahalo na at mahihilo ka na lang.
Mahirap talaga, sabihin mang ayaw mong mag assume, ayaw mong umasa pero kaipokritahan na hindi mo maramdaman na gusto mo rin na maging kayo. Kaso hanggang friend ka lang. Sabi nga ni Ramon Bautista, na-“friendzone ka!” If gustong maging abangers, abang at your own risk.
Minsan kinukumbinsi mo na rin sarili mo na simpleng paghanga lang yon. Magkaibigan kayo, yon ang claim mo sa lahat, totoo naman kase talaga na yon ang status nyo. ‘Yon nga lang mapilit pa rin talaga ang damdamin mo. Parang tubig na naghahanap ng butas para dumaloy. Wala naman kase talaga tayong magawa pag puso na ang nakaramdam. Ayon! Nahulog, nadapa at nasugatan nang hindi man lang nya alam. Kawawang nilalang.
Kung darating na ang point na alam na nya, at dahan-dahan nyang pinaparamdam ang paglayo, dumistansya na. Hayaan na sya. Wala kang choice, hindi pwedeng ipilit ang hindi. Hindi pamamalimos ang pag-ibig. Masakit man, remember pain is temporary. Mawawala din yan, maglalaho na parang bula hindi nga lang alam kung kelan maghihilom ang sugatan mong puso.
Mapaglaro minsan ang tadhana kung kelan hindi mo inaasahan saka naman guguluhin ang mundo mo, kung kelan unguarded ka saka aatake, mas malalim nga naman ang baon, at sigoradong may souvenir na pilat. Walang may gusto na umiyak, walang gustong umamin ng kahinaan, walang gusto na matalo pero ayaw man natin kasama to sa pagdadaanan para gumulong ang buhay na meron tayo.